Ang Mabubuting Nagawa ng Kapatiran sa Akin

Hunyo 2016 nang magsimula akong pumasok sa Alternative Learning System (ALS), isang programa ng Department of Education para sa mga tumigil sa pag-aaral ngunit ibig ipagpatuloy ito, humabol na makatapos ng elementarya or high school at ma-integrate muli sa pormal na pag-aaral sa eskwelahan.

Mabuti na lamang at dinala ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI) ang ALS sa Tondo, Maynila kung saan ako nakatira. Napag-alaman kong mayroon pa pala akong pag-asang makapag-aral muli at maipagpatuloy ang aking pangarap sa buhay.
Noong ika-29 ng Hulyo ng taon ding iyon, naglakas-loob akong sumali sa idinaos na acquaintance party ng KKFI para sa mga mag-aaral ng ALS. Masaya ako dahil iyun ang una kong acquaintance party. Naka-rekord na ito sa talaan ng buhay ko. Memorable ito sa akin.

Pag-abot ng buwan ng Oktubre ay ginanap ang tatlong-araw na “Youth Lead, Educate, and Advocate for Development” (Y-LEAD) ng Kapatiran pa rin. Sumali ako at napili rin akong maging isang “youth leader” nito.

Nitong nakaraang Abril, ay nag-enrol ako ng Massage Therapy na livelihood training pa rin ng KKFI. Salamat sa Panginoon at nakapasa ako at nabiyayaan ng National Certification II (NC II) ng TESDA. Ginusto kong magkaroon ng kasanayan sa pagmamasahe upang madagdagan ang kaalaman at kita. Ibig kong makatulong sa aking mga magulang.

Kasunod nito, sa buwan ding iyon, ay dumalo ako sa training ng mga magtuturo ng mga bata sa summer school na ang tawag ay LikhAral (kumbinasyon ng “Likha” at “Aral”). Ito ang bersyon ng Kapatiran sa Vacation Church School ng United Methodist Church upang may kapaki-pakinabang na magawa ang mga bata ng mga komunidad at kapilya tuwing tag-araw. Bukod sa Tondo, ang LikhAral ay ginanap rin sa compound ng Kap

axelfb2
Si Axel (pangalawa sa kaliwa) habang nagtuturo sa LIkhAral sa Manila North Cemetery.

atiran sa P. Paredes Street, Sampaloc at sa Manila North Cemetery.
Marami akong natutunan sa training at sa mismong pagtuturo ko mismo sa area kung saan kami ay itinoka.

Noong Hulyo 21 naman ay isa pang di-makakalimutang karanasan ang pinagdaanan ko. Ika-67 anibersaryo ng KKFI noon at ako, kasama ang mga kapwa ko estudyante ng ALS at mga iskolar ang nakasali sa patimpalak ng pagsayaw. Kami ang itinanghal na kampeon, salamat sa Panginoon! Napakasaya namin!

Noong buwan ding iyun, ay nabuo ang “care group” na kinabibilangan ng mga estudyanteng ALS at iskolar. Sobrang saya ang naramdaman ko dahil sa pagkakaroon ng care group. Dito ay malaya kaming nakakapag-bahaginan ng mga kwento ng aming buhay. Marami akong natutunan sa care group—kung paano maging isang lider-kabataan, kung paano maging isang responsableng kuya sa mga nakababata sa akin, kung paano magmahal at mahalin, tumanggap at tanggapin, at umintindi at intindihin.

Nabago ang buhay ko. Dahil sa care group, nalaman ko kung sino talaga ako. Natagpuan ko ang aking passion—ang tumulong sa mga kabataang nahihirapan at nalulungkot sa kanilang buhay.

Binigyan ako ng care group ng pagkakataon matutunan kung paano makipag-ugnayan sa ibang kabataan na tulad ko. Dati ay nahihiya akong magsalita at mag-share sa maraming tao, ngunit ngayon, dahil sa care group, lumakas ang loob ko na ilabas ang lahat ng lungkot at bagabag sa aking puso.

Habang lumilipas ang mga araw at linggo, napapalapit kami sa Panginoon. Lumalalim ang aming relasyon sa Kanya at sa isa’t isa. Ibinabahagi ko ang mga natututunan ko sa aking pamilya. Alam ko na ganito rin ang ginagawa ng mga kasama ko sa kani-kanilang pamilya.

Dahil sa care group, sa mga pagsasanay at mga karanasan ko na dulot ng Kapatiran, natagpuan ko ang aking sarili, ang aking direksyon sa buhay, at, higit sa lahat, ang Panginoon. Mabuhay ang Kapatiran!

Advertisements