TUNGO SA MALIGAYANG PAMAYANAN

ni Fort Nicolas

Kuwento ng Manila North Cemetery

Namimili ng mga bote ng Emperador, Ginebra San Miguel at iba pang alak si Aling Dolores “Dory” Cruz, 58, upang kumita. Ipinagbibili niya ang mga ito sa mismong mga pabrikang gumagawa ng mga ito.

dolorespng.png
Aling Dolores “Dory” Cruz, (kanan) kasama si Ma’am Nancy Nicolas (KKFI Executive Director), Rev. Oly Marcoas at Henry Kibambe.

Bukod sa pamimili at pagbebenta ng bote ay may sari-sari store si Aling Dory. Kung anu-anong produktong de-lata, softdrinks, kape, tinapay, shampoo, alak at marami pang iba ang ibinibenta niya rito.

Ang dalawang negosyong ito, na parehong nakabase sa Manila North Cemetery, ang ipinambubuhay niya sa kanilang mag-asawa. Bagama’t may tatlo siyang anak sa kanyang unang asawa ay malalaki na ito at may kanya-kanya nang pamilya.

“Ipinaiikot-ikot ko lang ang kinikita ko sa dalawa kong negosyo,” ani Aling Dory. “Sapat lang, ngunit kung sakaling may kaunting sobra ay iniipon ko ito.”

Sari-sari store din ang negosyo ni Aling Adenita “Nita” Benevidez. Kumikita siya sa pagbebenta ng kandila at softdrinks higit sa ibang produkto. Tulad ni Aling Dory ay mag-asawa na lang nabubuhay sina Aling Nita. Pero, hindi tulad ng kaso ni Aling Dory, may kasama pang iba si Aling Nita, ang tatlong pinakamamahal niyang aso.

“Magastos ang mag-alaga ng mga aso,” pabirong pagrereklamo ni Aling Nita. “Aba’y singkwento pesos ang gastos ko tuwing kainan.”

Parehong benepisyaryo sina Aling Dory at Aling Nita ng bagong programa ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI) na may katawagang, “Happy Wives, Happy Community.” Layon ng programang ito na matulungan sa paraang pinansyal ang kababaihan sa Manila North Cemetery na nagnanais na mag-negosyo o nais palawakin ang kanilang existing na negosyo.

Nang makapanayam ng manunulat na ito ang dalawa ay kababayad lamang nila ng balance ng una nilang ikot ng utang upang makautang silang muli sa pangalawang pagkakataon. Noong nakaraang Abril sila unang nakapangutang sa KKFI.

“Minabuti na naming kumpletuhin ang bayad sa unang ikot para tamang-tama ay mas malaki ang kapital namin ngayong malapit na ang Undas,” paliwanag ni Aling Dory. “Malaki ang kita ng mga negosyo sa Manila North tuwing Undas!”

Natutuwa umano sila sa bagong programa ng KKFI sapagkat di-hamak na maluwag silang nakapagbabayad sa pagkakautang.

“Dati-rati,” ani Aling Nita, “ay mabigat dahil ang inuutang namin na P1,000 ay kailangang ibalik namin ang halagang P1,500 sa loob ng tatlong buwan. Kaya’t kung P5,000 ang inutang namin, P7,500 ang ibabalik.”

Malayo umano ang nangyayari sa “Happy Wives, Happy Community” ng KKFI. Sa hiniram na P5,000, ibabalik lamang nila ang halagang P5,500 sa loob ng anim na buwan.

“Ang kainaman nito ay naniningil lamang sila tuwing weekend at hindi araw-araw tulad ng iba,” ani Aling Nita. “Napapaikot namin sa buong linggo ang kinikita namin.”

Ngunit inamin nilang hindi madali ang pumaloob sa programang ito ng KKFI. Kailangang mag-seminar muna ng apat na buwan upang matutunan ang pagtitipid at wastong pagpapalakad ng negosyo.

Kaya’t abot-abot ang kanilang pasasalamat kay Vicente “Vince” Eliver, ang social worker ng KKFI nan aka-assign bilang project coordinator ng “Happy Wife, Happy Community” Program.

Aniya, wala pang isang taon ang itinatakbo ng proyekto, na naimplementa dahil sa ibinigay na pondo ng United Methodist Women na kabase sa New York City sa Estados Unidos.

Napagtanto ni Vince na “challenging” pala ang pagsisimula ng lending business. Bago masimulan ay maraming dapat ihanda, tulad ng iba’t ibang dokumento, ang listahan ng criteria ng maaaring humiram at ang iskima (scheme) ng kabuuang programa.

Pangunahin umanong nais tulungan ng programa ang mga miyembro ng Samahan ng mga Manggagawa at Tagapangalaga sa Norte (Samantaganor), isang organisadong samahan ng mga manggagawa. Pangalawa ay ang mga magulang ng mga estudyante ng Alternative Learning System (ALS), day-care school at Supervised Neighborhood Play (SNP) na iniimplementa ng KKFI at mga iskolar nito.

Naglalayon ang programa na mabigyan ang mga magulang ng mga aktibidad na makadaragdag ng kinikita ng pamilya upang masuportahan nila ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Sinabi ni Vince na talagang mahirap ang simula ngunit sa unang batch na 13 nakapasang benepisyaryo ay may limang fully paid na, apat na kaunti na lang ang balance at apat na 30 porsyento pa lamang ang naihuhulog.

“Kapag may pera naman ay kusa silang nagpupunta sa kanilang ang ingat-yaman na si Aling Nita,” ani Vince.

Sa hinaharap ay nais ng KKFI na maging isang kooperatiba ang mga benepisyaryo at sila na mismo ang nagsisinop at namamahala ng nasabing pondo.

“Kailangan silang i-empower,” ani Vince.

Hindi lamang “economic empowerment” ang nararanasan nina Aling Dory, Aling Nita at mga kasamahan nila.

Mayroon din silang Bible study na sinimulan ng United Methodist Church (UMC) na nagpabago sa pananaw nila sa buhay. Halimbawa, aminado si Aling Dory na sugarol siya dati kaya parati silang nag-aaway ng kanyang asawa. Nagbago na umano siya. Nagbago rin ang relasyon nilang mag-asawa na naging matiwasay na.

Kaya’t ngayon, si Aling Dory at iba pa niyang kasamahan ay tunay na “happy wives.”

Advertisements

MALAKAS NA PANANAMPALATAYA ANG SUSI SA TAGUMPAY

ni Fort Nicolas

Kuwento ng Montalban, Rizal

Lakas-loob na sinimulan ni Pastor Larry Macalino, 54, ang Freedom in Christ Community Church sa Barangay San Jose, isang malaking relocation site sa Montalban, Rizal noong 1999.

Sa lugar na ito “itinapon” ang mga iskwater mula sa iba’t ibang urban poor area ng Quezon City—mula sa North Triangle, kahabaan ng Commonwealth Avenue, Marikina at Libis. Sila ang mga bagong residente ng Barangay San Jose, na isang bulubunduking lugar.

Walang hanap-buhay doon, walang kuryente at walang tubig na dumadaloy patungo sa mga kabahayan. Oo nga’t may balon doon. Kailangang pumunta sa balon bitbit ang maruruming damit kung maglalaba. Dito na rin sila kumukuha ng pampaligo, panglinis ng pinggan at panggamit-gamit bahay. Dito rin nila kinukuha ang tubig nilang pang-inom, na kailangang pakuluan nang husto upang makonsumo.

Masasabi ngang kapos na kapos ang mga naninirahan sa nasabing relokasyon, kaya’t tanging pananampalataya sa Panginoon ang sandigan ni Pastor Larry upang magpatuloy ang kanyang ministeryo.

Nagtitinda ng sampaguita at ilang-ilang ang karamihan ng mga residente dito. Naglalako sila sa Divisoria sa Maynila at sa iba’t ibang parte ng Lungsod ng Quezon. Halos hindi pa kasya pangkain ang kanilang naiuuwing kita sa isang araw.

Alam ni Pastor Larry na hindi madali ang mag-ministeryo sa nasabing relokasyon. Hindi kasi masyadong ispiritwal ang mga tao dito. Tulad ng inilarawan kanina, hindi pangangailangang ispiritwal ang kagyat na pangangailangan ng mga tao doon. Ang kailangan nila ay ang ikakabuhay ngayon at ngayon na.

Siyempre pa, gipit din ang Freedom in Christ.

“Umuupa lamang ang kapilya namin dati,” kwento ni Pastor Larry. Ang kapilyang kanyang tinutukoy ay isang kubo na magkakasya lamang ang iilan.

“Ngunit sa tulong ng Panginoon ay nag-survive ang Freedom in Christ Community Church,” pagmamalaki ni Pastor Larry. “Nakapagtayo kami ng isang gusali sa lupang pag-aari na ng kapilya.”

Ang dating kubo ay isang sementadong building na may dalawang palapag. Kasalukuyan itong pinatatayuan ng ikatlong palapag. Malaki ang pasasalamat ni Pastor Larry sa Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI). Aniya, hulog ito ng langit kaya maraming magagandang bagay ang nangyayari sa Freedom in Christ Community Church at sa mga kasapi nito.

Isa sa mga pagpapalang ito, aniya, ay ang makilala noong 2003 si Sister Flory Rivera, miyembro ng Kamuning United Methodist Church, na siyang nagbanggit sa kanya na makipag-ugnayan sa KKFI. At pumunta nga siya sa P. Paredes Street sa Sampaloc, Maynila upang pasyalan ang KKFI.

“Tumingin-tingin lang ako,” aniya. “Nagkataong nakilala at nakausap ko si Ate Lilia.”

Dinala niya si Ate Lilia Bejer sa kanyang munting kapilya sa Montalban, Rizal. Unti-unti ay napag-planuhan nila na magsagawa ng isang pagsasanay o training sa pananahi para sa mga miyembro ng kapilya at ibang taga-Barangay San Jose.

Kaya’t sa pagtitiyaga ni Ate Carmela Omadto, trainer ng KKFI na ngayon ay retirado na, ay natutong manahi ang mga nanay ng barangay ng mga basahan na itininda nila sa Commonwealth Market at iba’t ibang kalye sa Lungsod ng Quezon.

Ang sumunod ay ang pagsasanay sa massage therapy ni Ate Lilia. Nagbunga ito ng patuloy na paglago ng mga di-na-mabilang na nagsanay sa maraming paraan. Katunayan ay may mga nasa abroad na at pinakikinabangan ang kanilang natutunan.

Ang biyaya ay kitang-kita sa Freedom in Christ Community Church. Dalawa na ang livelihood project ng kapilya—ang Botika Binhi at Touch of Freedom Spa. Tunay na pinagpapala ang mga nagsusumikap gaano man kababa ang pinagmumulan nito.

Nang nagsasanay ng massage therapy sa kauna-unahang pagkakataon ang mga taga-San Jose ay naengganyo si Pastor Larry na magsanay din. Nagulat siya nang madiskubre niya nang mag-therapy na siya na maganda palang pagkakitaan ang massage therapy. Naglalaro sa pagitan ng P800 at P1,000 ang karaniwang kita niya sa isang araw ng pagte-therapy.

Ka-batch ni Pastor Larry bilang unang graduates si Dulce Amor Serato, isa sa pinakamatagumpay sa kanila ngayon. Maliban sa basic training na ibinigay ng KKFI ay itinuloy ni Dulce ang pagpapaka-dalubhasa nang sumailalim siya sa “Trainors’ Training.” Ginamit niya ang kanyang mga natutunan sa pagsali sa medical missions ng iba’t ibang organisasyon.

Sinamantala ni Dulce ang offer ng Kapatiran na libreng pagsasanay sa beauty care o cosmetology. Natuto siya maggupit ng buhok, mag-rebond at mag-wax.

IMG20170922114211.jpg
Dulce Amor Serato

Nang sa tingin niya ay sapat na ang kanyang kakayanan sa massage therapy at cosmetology ay nagtayo siya noong 2013 ang isang home service business na tinawag niyang Kambal’s Beauty Care and Wellness Spa (may anak na kambal si Dulce).

Walang binabayarang advertisement kundi “word of mouth” lamang at kaunting Facebook ang nagpapakalat ng mensahe ukol sa mga serbisyo ng negosyo ni Dulce. Sa isang karaniwang linggo ay kumikita siya ng P5,000.

Maraming ang nagtatanong kay Dulce kung ano ang sekreto niya at naging matagumpay ang kanyang kabuhayan. Wala umanong sekreto. Alam na umano ng marami na ang tagumpay ay darating sa mga masipag at matiyaga.

Aniya, isa sa mga unang dapat pagtiyagaan ay ang pagkakaroon ng Massage Therapy National Certification II (NCII). Dapat din umanong magtuloy-tuloy ng pag-aaral at pagsasanay. Mahalaga rin, ‘ika ni Dulce, ang matutong makisama at makipag-usap nang maayos sa mga kostumer. ‘Wag umanong magyayabang ni manghinayang magbigay ng libreng serbisyo sa komunidad, tulad ng pagsali sa mga medical mission.

“Ang skills ang mas mahalaga magkaroon ka kaysa pera,” ani Dulce. “Kusang darating ang huli kung mayroon ka ng una.”

 

PINAGTIYAP NG TADHANA

ni Fort Nicolas

 

Sa maraming taon ng pag-iimplementa ng mga pagsasanay pangkabuhayan o livelihood trainings ay marami-rami na rin ang inabot na mga lugar at mga sector ang Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI).

Sa bawat kaso ng tagumpay ay nasa likod nito ang kwento ng mga hirap, kabiguan, pagsisikap at pagtitiyaga. Tunghayan natin ang ilan sa mga ito sa mga susunod na araw.

 

Kuwento ng Pulilan, Bulacan

Isang araw noong taong 2004, nagawi sa Barangay Paltao sa Pulilan, Bulacan si Vicente “Vince” Eliver, na noo’y administrador ng Gilead Center for Children and Youth Welfare, isang proyekto ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI) sa nasabing bayan.

Naghahanap si Vince ng mga maaaring lumahok sa mga massage therapy at cosmetology training ng KKFI sa mga barangay ng Pulilan. Malapit sa gate ng Chalice Foundation, isang non-government organization na ang layon ay tumulong sa mga mahihirap, may canteen siyang nakita. Pumasok siya doon ay kinausap ang nadatnang babae.

Ang nakausap ni Vince ay si Ma. Ludel “Malou” B. Leonardo, manager ng canteen. Nang lumaon ay nakausap rin ni Vince ang mismong namumuno sa Chalice na si

A
Ma. Ludel “Malou” B. Leonardo

Sister Celerina “Celine” M. Navarro, na siyang nagsimula ng organisasyon. Bukod sa ibang uri ng pagtulong ay nagbibigay ito ng iskolarship at nagmumula pa sa Chalice Foundation of Canada ang suportang pinansyal na ginagamit.

Nang sumunod na taon, 2005, naganap ang isang leadership training, na isinagawa ng KKFI at dinaluhan ng mga lider ng Chalice. Ito ang una sa maraming pagsasanay ukol sa leadership at skills training tulad ng massage therapy, cosmetology at dress-making kung saan magkakapit-braso ang dalawang samahan.

Marahil ay talagang nakatakdang magkatagpo ang KKFI at ang Chalice sapagkat naging matagumpay ang partnership ng dalawa na tumagal hanggang ngayon. Ang pagsasanib-puwersa nila sa pagkakawang-gawa at pagtulong sa kapwa ay nakapagpalakas sa kanilang pareho.

Simula noong unang nagkausap sina Malou at Vince ay tumaas na ang puwesto ng una. Si Malou ay walong taon nang nagsisilbing over-all president ng Chalice. Ani Malou, malaking tulong sa kanilang samahan ang mga ginawang pagsasanay sa pamumuno ng KKFI. Dahil dito ay naging maayos ang daloy ng mga programa nila patungo sa mga iskolar at pamilyang kanilang tinutulungan.

“Nagamit namin ang natutunan namin upang ma-organisa ang aming mga kasapi sa 19 na barangay ng Pulilan,” sabi ni Malou.

Natutunan nilang mag-assign ng mga sub-circle officers sa mga barangay sapagkat lubhang mabigat para sa over-all president ang direktang mamahala sa mga ito.

“Mas organized ngayon, mas maayos ang takbo,” ani Malou. “Malaki ang utang na loob namin kay Vince at KKFI.”

Dahil sa pagtitiyaga ng Ate Lilia Bejer na turuan ang mga benepisyaryo (ang ilan sa kanila ay nagmumula pa sa bukid kung saan sila nakatira) ng Chalice sa massage therapy ay unti-unting naiba ang dati’y masamang imahe ng pagmamasahe.

Ang mga magulang ng mga estudyante ng Chalice ay nagte-training sa isang kwarto habang nag-aaral naman ang kanilang mga anak. Natuto rin silang gumawa ng salabat tea at herbal medicine. Mula lima ay dumami nang dumami ang nag-aral ng massage therapy hanggang naging 23 ang bilang ng mga nagtapos bilang unang batch.

“May no-read-no-write na ina ang natuto ng massage therapy at na-empower,” pagkukwento ni Malou. “Kumalat ang balita at dumami ang gustong matuto ng pagmamasahe.”

Gayundin ang mga kwento ng mga nagtapos ng cosmetology—may ibang nag-abroad na upang kumita gamit ang kasanayan na natutunan. May mga natuto rin sa pananahi na ito na ang naging negosyo.

“Sina Mila Tolentino, Mila Lakiman and Emma dela Cruz ay ilan lamang sa mga matatagumpay,” pagmamalaki ni Malou. “Maraming magulang na mga miyembro ng Chalice ang nagkaroon ng positibong pagtingin sa buhay at natutong tumayo sa sariling mga paa imbes na umasa lamang sa kakarampot na kita ng kanilang asawa.”

Hindi halos matigil ang pasasalamat niya kina Ma’am Nancy Nicolas, executive director ng KKFI, Ma’am Lilia, trainer ng massage therapy, Sir Leslie Samonte, trainer ng cosmetology; at Ma’am Carmela Umadto, trainer ng dress-making.

“Dahil sa kanila, nagkaroon ang marami naming miyembro ng dagdag-kaalaman at dagdag-kita. Salamat ng marami sa KKFI,” pagtatapos ni Malou.

 

‘KAALAMANG PANGKABUHAYAN: SUSI SA PAG-AHON NG PAMILYA’

ni Fort Nicolas

 

Halos pitong dekada na ang Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI) mula nang ito ay itinatag ni Ms Madaleine Klepper, isang Metodistang misyonaryo mula sa Amerika. Taong 1950 nangyari ito, ilang taon pa lamang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Kalunos-lunos ang dinanas ng Maynila. Ayon sa tala, ang Maynila ang pinaka-nasirang lungsod ng World War II sa buong mundo, maliban sa Warsaw ng Poland.
Ito ang Maynila na nakita ni Ms Klepper. Ganito ang konteksto ng lungsod nang itinayo niya ang Methodist Social Center, na matapos ang dalawang dekada ay magiging Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. Ang orihinal na layunin ng institusyon ay ang matulungan ang mga naulila at nabiyuda ng World War 2.

Tinugunan ng Methodist Social Center ang batayang pangangailangan nila upang mabuhay – pagkain, damit at bubong sa ibabaw ng kanilang ulo. Kalaunan ay nagtayo ito ng paaralan dahil may pangangailangang edukasyunal ng mga bata. Alam ng Center na mahalaga rin ang edukasyon upang ang isang tao ay umunlad bilang indibidwal at maging kapaki-pakinabang sa kanyang komunidad o lipunang kinagagalawan.

Tandaang ito ang nalumpo ng giyera ang Pilipinas at kailangang bumangon ang bansa mula sa matinding pagkakalugmok. At upang maging tuloy-tuloy ang proseso ng pag-unlad ng bansa, mahalagang edukado at may kaalaman ang mga mamamayan.

Edukasyon ang Kasagutan
Sa larangan ng edukasyon gumawa ng kasaysayan ang Methodist Social Center nang magtayo ito ng paaralan sa mga bata, katulong ang Harris Memorial College. Kindergarten school ito, ang kauna-unahan sa bansa.

Lumipas ang mga taon at pumaloob ang KKFI sa iba’t ibang isyu, kabilang ang pagbibigay ng matutuluyan sa University Belt ng Maynila sa mga kabataang estudyanteng mula pa sa probinsya at ibang bansa. Ang compound ng KKFI sa P. Paredes Street sa Sampaloc, Maynila ang naging tahanan nila kahit sila’y malayo sa kanilang mga tunay na tahanan.

Ang institusyon ay nagsilbi rin bilang isang lugar na matutuluyan at mapagpapahingahan ng mga mamamayang nagdurusa dahil sa mga sakit ng lipunan tulad ng kahirapan, drug addiction, pagdami ng street children at kahit nga prosekusyong pampulitikal ng Martial Law ni Pangulong Ferdinand E. Marcos noong dekada ’70 at ’80.

Sinubukan din ng KKFI na magbigay ng kasanayang pangkabuhayan sa mga mahihirap. Pananahi, pagkumpuni ng mga relos, massage therapy at beauty care. Ito ay ilan lamang sa mga itinuro ng staff ng KKFI sa mga nais nilang tulungan.

Ngunit higit sa lahat ng mga gawain ay nakatutok ang KKFI sa edukasyon. Alam ng mga namumuno ng KKFI na ito ang susi at ito ang pinaka-epektibong makapag-aangat ng kalagayan ng mga tao mula sa kumunoy ng kahirapan.

Pagpapalawak
Nitong huling pitong taon ay pinasigla ng KKFI ang pre-school education nito. Nakipag-ugnayan din ito sa Department of Education (DepEd) upang simulan ang Alternative Learning System (ALS) na magbibigay ng pagkakataon sa mga batang mahihirap na makahabol sa kanilang nabimbing pormal na edukasyon. Gayundin, pinatatag at pinalawak ang scholarship sa high school at college.

Ngunit lubhang matagal ang pag-aaral ng kolehiyo at abot-langit ang gastos ng pamilya ng estudyante upang mamintini ng pag-aaral nito, sa kabila ng tulong ng KKFI sa pagbabayad ng tuition at pagbibigay ng kaunting daily allowance.

Bilang tugon sa katotohanang ito, naghanap ang KKFI ng paraan upang mabigyan ng oportunidad ang kabataan upang makapag-aral at makapag-trabaho agad. Kaya nga’t sinimulan nito ang programang Training for Employment o T4E. Ang programang ito ay naglalayong turuan ng kasanayang pang-teknikal ang mga kabataang may sapat nang edad upang magtrabaho. Tinutulungan sila hindi lamang sa tuition kundi sinasagot din sa simula ng Kapatiran ang mga gastusin nila habang sila ay nag-aaral at nag-o-on-the-job training.

Oo nga’t pinagsisikapang tugunan ng KKFI ang pangangailangang pang-edukasyon ng mga bata at kabataan mula pre-school hanggang high school, kolehiyo, technical-vocational at maging hanggang sila’y magkatrabaho.

Ibang Suliranin, Ibang Kasagutan
Ngunit sa gitna ng lahat ng pagsisikap ng KKFI na makatulong, marami pa ring kabataan na tinutulungan ng institusyon upang makatapos ang hindi nakapagpapatuloy ng pag-aaral. Bakit? Sa maraming pagkakataon ay ang pangkabuhayang kalagayan, sa madaling sabi ay kahirapan, ng pamilya nila ang malaking balakid.

Walang kakayahan ang mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak na makapagtapos ng pag-aaral dahil wala silang pinagkakakitaan. Mayroon may ay kulang ito. Oo nga’t kailangan pa nilang pagtrabahuhin ang kanilang mga anak na sana’y nag-aaral pa.

Totoo nga ang kasabihang, “It takes a community to raise a child.” Oo nga’t kailangan patatagin ang komunidad, lalong-lalo na ang pamilya, na sumusuporta sa mga kabataan upang matiyak ang paglago nila bilang miyembro ng lipunan.

Posible kayang may iba pang suliranan na kailangang tugunan muna ng KKFI bago mangyari ang nais nito—ang pagtatapos ng pag-aaral ng mga kabataan? Hindi kaya na ang ang kakayahan ng pamilya ang dapat patatagin upang ito ay maging taga-suporta at hindi ang balakid tungo sa pag-abot ng ambisyon ng mga kabataan?

Bagong Direksyon
Ang mga tanong na ito ang nagpatatag sa desisyon ng KKFI na, oo nga, panahon na upang tutukan nito ang pangangailangan sa edukasyong pangkabuhayan para sa mga magulang, ibang may-gulang na kasapi ng pamilya at ang mga kabataan mismo.

Alam natin na malaki ang pangangailangan ng mga maraming komunidad na masolusyunan ang isyu ng ikabubuhay. Araw-araw itong sakit ng ulo ng mga may responsibilidad na buhayin ang pamilya.

Ngunit hindi dole-out ang kasagutan. Hindi nga ba’t ito na ang naging paraan noong 1980s at 1990s? Ngunit ano ang kinahinatnan ng metodolohiyang ito? Nakaalwan ba ang mga nagigipit? Nasolusyunan ba ang suliranin na kahirapan?

Naniniwala ang Kapatiran sa katotohanang, “Bigyan mo ng isda ang isang tao at hindi siya magugutom sa loob ng isang araw; ngunit kung siya ay tuturuan mong mangisda, hindi na siya magugutom habambuhay.”

Ito ang lohika ng mga gawaing pinagkakaabalahan ng Livelihood Program ng Program Department. Tinuturuan ang mga mag-aaral ng kalayaan mula sa nakasasakal na kahirapan ng isang ekonomiyang Third World tulad ng Pilipinas.

Positibong Aksyon
Tunay ngang dapat na mag-adbokasya tungo sa isang sistema ng lipunan kung saan walang napakamahirap sa puntong ang isang pamilya ay walang makain at walang kakayanang paaralin ang miyembro nito na dapat ay nasa paaralan, hindi sa kalsada o sa basurahan o isang sweatshop upang kumita ng kahit kakarampot lamang.

Ngunit higit sa pagpoprotesta o pagrereklamo sa kaawa-awang kalagayan ay kailangan ang mga positibong hakbangin upang matugunan ang mga kasalukuyang suliranin tulad ng pagkain, tirahan at suporta sa pag-aaral ng mga kabataan.

Edukasyon rin ang kasagutan—edukasyong pangkabuhayang.
Naniniwala ang KKFI na ninanais ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang sagana. Ito ang motibasyon sa paglulunsad ng ikalawang KKFI Livelihood Congress sa ika-9 ng Oktubre 2017.

Mula sa iba’t ibang lungsod ng Kalakhang Maynila, Pulilan sa Bulacan, Montalban at Cainta sa Lalawigan ng Rizal, humigit-kumulang na 100 kinatawan ng mga naturuanng Livelihood Program ng KKFI ang dadalo upang pag-usapan kung paano lalong mapapaunlad ang kani-kanilang kalagayang pangkabuhayan.
Isang tunay na napapanahong gawain.

BAKIT KAILANGAN ANG MATIBAY NA KAPATIRAN

ni Nancy Caluya-Nicolas

It’s  a  dog-eat-dog  world,  you know,”  ang  madalas  sabihin  ng  mga Amerikano.  Ang  literal  na  ibig  sabihin nito ay, “Sa mundong ito, kinakain ng aso ang kapwa niya aso upang mabuhay.” Sa madaling salita, kailangang maging magulang (hindi “parent” kundi “wily” ang ibig sabihin) ka. Mahusay kang mang-isa para patuloy na mabuhay, at kung minsan pa’y mabuhay nang mariwasa.

May  isa  pang  kasabihan  ang  mga Kano:  “Good  guys  finish  last.”  Yun  daw babait-bait,  kulelat.  Walang  mararating sa buhay. Kawawa. Binabanggit ito bilang isang warning: Huwag kang papatay-patay at manggulang ka kung kinakailangan para mapagtagumpayan ang buhay.

Nicolaspic
Nancy Caluya-Nicolas, Executive Director, Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc.

Sa  maraming  kapitalistang  lipunan  sa  mundo  tulad  ng  Pilipinas,  ang karaniwang kaisipan ay kailangang makaalagwa  ka  mula  sa  umpukan upang  magtagumpay.  Indibidwal  ang pagtatagumpay,  hindi  kolektibo.  Ito ang katangian ng kapitalismo—to each his/her own. Kanya-kanya.

Malakas  talaga  ang  Western  influence  sa  mga  Pilipino,  palibhasa  ay nasakop tayo ng Amerikano sa loob ng 50 taon matapos ang 333 taong pamamalakad  ng  mga  Kastila.  Pareho  namang nagkaroon ng impluwensya ang dalawa—ang Espanya sa ating kultura at ang Estados Unidos naman sa ating pulitika at ekonomiya. ‘Ika nga, Western na Western ang mga Pinoy.

Masakit  man  pakinggan  ngunit may  mapait  na  katotohanan  ang  paglalarawan  sa  mga  Pilipino  na  “utak-talangka”‘ika tayo. Ang talangka kasi ay isa-isang aakyat palabas ng basket kung ilalagaymo ang mga ito dito. May magtatagumpay kaya?

Tiyak  na  iilan  lamang,  kung mayroon  man.  Kadalasan  kasi,  gaano man  ang  pagsisikap  ay  sawi  sa  paglabas  ang  mga  talangka.  Bakit?  Dahil naghihilaan sila pababa. Bawat isa kasi ay nais manguna at makalamang. Ang suma-total,  pare-parehong  talunan  at luhaan.

Tunay  ba  tayong  ganid?  Masakit sa tenga ang salitang “ganid.” Walang sinuman ang aamin na isa siyang ganid. Galit ang lahat sa mga taong ganyan.

Ani  natin,  “Pagiging  ganid  ba ang  magpatong  nang  malaki-laki  para naman  may  kaunting  maipon?”  Para umano sa pamilya naman ito nakalaan. Sino ang hindi aayon at tatango na lamang sa ganitong pangangatuwiran?

Kadalasan,  ginagamit  natin  ito  bilang  alibi  upang  makaisa,  makaungos, makagulang  o  kahit  ang  lumabag  sa  batas.  Naalala  ko  ang  madalas  na  ikwento ng isang nakakatandang babaeng miyembro ng aming church. Aniya, ganito nangyari ang kanyang tunay na karanasan.

Sakay  siya  ng  kanilang  kotse  na minamaneho  ng  kanyang  asawa  at pumasok sila sa isang kalyehon na patungo sa unibersidad kung saan siya ay nagtuturo.  Tinatahak  nila  ang  makitid na daang “one-way” na ito nang biglang lumitaw  ang  isang  dyipni  na  sumalubong sa kanila!

Napilitang igilid nang husto ng kanyang asawa ang kanilang kotse upang magkaroon  ng  espasyo  ang  dyipning kataka-takang  dumire-diretso.  Nang magkatapatan  na  ang  dalawang  sasakyan ay inis ng tinanong ng asawa ng churchmate  ko  ang  drayber  ng  dyipni: “Pare,  one-way  ito.  Bawal  ang  ginawa mo.”

Ang  sagot  ng  jeepney  driver: “Naghahanap-buhay lang po.”

Mukhang pamilyar ba ang kwento? Kailangan   bang  manggulang, manglamang  o  gumawa  nang  illegal

upang kumita?

Ang  attitude  o  kaisipan  ng  drayber ay may pinaghuhugutang insekuridad. Hindi siya tiyak kung may kikitaing sapat  bukas.  Kailangang  gamitin ang lahat  ng  oportunidad  (o  kung  wala ay  maghanap  o  gumawa  nito)  upang mag-survive. Kasi wala siyang mapagdedependahang iba. To each his own.

Bakit hindi tayo magkaisang magtulungan upang mawala ang pangambang  magugutom  dahil   walang  tutulong? Kaya nating gawin ito. Ano  ang  ibig  sabihin  ng  “KK”  sa KKFI?  Kapatiran  at  Kaunlaran.  Ito  ang pinahahalagahan ng ating institusyon— na  ang  kaunlaran  ay  makakamit  kung tayo ay magbubuklod, magtutulungan at magmamahalan na tila magkakapatid.

Kailangan natin ang mga programa at mga gawain patungo sa pangarap na ito. Ang pananaw natin ay magkakaroon tayo ng isang lipunan kung saan walang sinuman ang may takot na mamamatay sa gutom o mananatili sa kahirapan.

Kilala  ang  mga  Pilipino  dahil  sa puso  nating  may  bayanihan.  Huwag nating  hayaang  mawala  ito.   Imbes, pagyamanin natin ito. Pagtulungan natin. Kapag nagawa natin ito, kasaganahan at kapahingahan ng isip ang damdamin ang ating makakamit