INALAY NIYA ANG KANYANG TALENTO SA LAHAT

Ni Glenda B. Gutierrez

 

Si Ate Lilia Omes Bejer ay dating lider ng mga maralita at health educator ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) mula taong 1974 hanggang1986. Sila ng kanyang unang asawa ay mga punong lider ng ZOTO noong panahon ng Batas Militar ng rehimeng Marcos.

Bilang isang health educator, siya ay nagtaguyod ng Community Health Program. Siya ay nag-aral sa Sta. Rita College upang maging nursing aide at naging bihasa sa tuberculosis control.

“Naaalala ko ang takot na naramdaman ko noong 1978. Di ko maipaliwanang ang kabog ng aking puso,” kuwento ni Ate Lilia.

Nawala umano ang kanyang asawa. Sinundo daw ng dalawang lalake.

“Nagtanong ako sa aming mga kasamahan pero di nila alam kung nasaan,” aniya. “Kinagabihan sinundo kami ng aking mga biyenan. Alam na pala nila ang nagyari pero di sinabi sa akin. Sa morgue na kami dinala”

Di malaman ni Ate Lilia kung ano ang gagawin niya. Siya ay 25 taong gulang lamang noon. Ang panganay niya na si Celia ay isa’t kalahating taon at ang bunsong si Abel ay sanggol pa lamang. Binigyan siya ng trabaho sa St. James Academy ng mga madre.

Nang mapalitan ni Corazon Cojuangco Aquino si Ferdinand Edralin Marcos bilang pangulo ng Pilipinas at bumalik umano ang tinatawag nilang “demokrasya,” lumipat ng trabaho si Ate Lilia sa Urban Missionaries of the Philippines bilang isang “health coordinator.” Siya ang namahala sa Urban Missionary Health Program. Upang lalong mahusay na magampanan ang kanyang tungkulin, nag-aral siya ng “Hilot Wellness” at “Shiatsu,” mga uri ng alternatibong panggagamot.

Sabay nito ay ang pagiging Program Director niya ng ZOTO. Kalaunan, siya ang naging kabahagi ng Rural Health Program at nag-aral ng kursong “Massage Therapy.”

Noong 1991, nais pa niyang mapalawak ang kanyang karanasan at kaalaman kaya siya ay lumipat sa Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI), na ka-partner ng ZOTO, bilang “Socio-Economic Officer.” Siya ay namahala sa pakikipag-ugnayan sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralitang Lungsod (KPML) at sa  Samahan ng Maralitang Nagtitinda sa Fabella (SAMANA-FA).

Dahil sa pakikipag-ugnayan niya sa Augustinian Missionaries, siya ay natuto ng “acupressure” at “pranic healing.”  Tumulong siya sa pagpapatatag ng alternative healing.

Noong 1999, siya ay kumuha ng licensure exam sa massage therapy ng Department of Health (DOH) at siya ay nagtamo ng ika-siyam na pinakamataas na score.

Sadyang mayaman sa kaalaman at karanasan sa tradisyonal healing si Ate Lilia. Siya ay bihasa sa Hilot Wellness, isa ito sa kanyang itinuturo sa kursong Naturopathy sa KKFI. Ayaw man niya at hindi sinasadya, nasundan niya ang yapak ng kanyang ina, na isang manghihilot ngunit walang pormal na pagsasanay at sa karanasan lamang natuto.

Sa kabilang banda, si Ate Lilia ay naniniwala sa siyentipikong pagsasanay. Kaya patuloy siyang nag-aaral at dumadalo sa mga training. Pati nga alternative medicine ay inaral niya.

Sa edad na 63, siya ay nag-aaral pa rin  ng Training Methodology 1 (TM1) sa Manila International Skills Academy (MISA) na accredited ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Dahil magaling, marami ang naghahanap ng serbisyo ni Ate Lilia bilang isang therapist. Bukod dito ay mahusay siyang guro. Marami siyang naturuan ng massage therapy na ngayon ay trainor na rin.

Ako ay isa sa mga nakaranas ng massage therapy at talaga namang nagiginhawaaan ako at gumagaling ang karamdaman.

Tunay nga na siya ay may kamay na nakakapagpagaling at kagalingan sa pagtuturo na nagpapaangat ng buhay ng kanyang estudiyante.

Advertisements

ANG HINDI SUMUSUKO AY NAGTATAGUMPAY

n Fort Nicolas

Kuwento ng Income-Generating Project sa KKFI Compound, P. Paredes Street, Sampaloc, Manila

Bago pa ganapin ang unang Livelihood Congress ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI) ay nagkakausap na ang mga miyembro ng unang massage therapy batch ng 2015. Ang tanong nila: Paano ba magagamit ang natutunan upang mas kumita?

Matapos ang 1st KKFI Livelihood Congress, na ginanap noong ika-14 ng Mayo 2015, ay nagsimula mag-aral ang grupo ng pagnenegosyo. Umattend sila ng Basic Entrepreneurship Seminar-Training (BEST) ng KKFI.

Hindi nagtagal ay nagsimula sila magnegosyo upang i-practice ang natutunan. Nagtayo sila ng spa, kantina at bakery. Sa bawat hakbang ay naroroon ang Kapatiran upang umalalay. Oo nga’t hindi naging magaan ang lahat dahil sa Kapatiran.

Una ay pinagamit nito nang libre ang spa laboratory na nasa pagitan ng Nellie Mercado Library at pre-school na Kindling Kids’ Functional Intelligences o KKFI kung saan maaaring magpamasahe ang mga kostumer. Ngunit sadyang hindi ideal ang lokasyong ito. Bukod sa nasa loob ito ng compound at hindi kita ng madla ay nasa kasuluk-sulukan pa ito.

Mabuti na lamang ay sa labas, sa harap ng P. Paredes Street, kung saan busy ang foot traffic, na ang ibig sabihin ay mas maraming kostumer, matapos ang ilang buwan.

Ang pangalawang business venture ng grupo ay kantina. Nagkaroon ng panahong dahil sa dami ng mga trainee ng Newpoint, isang training center ng mga seaman na umuupa sa loob ng KKFI Compound, ay hindi sila kayang i-accommodate ng employees’ cooperative canteen tuwing tanghalian. Ang ilan ay napipilitang lumabas sa compound upang maghanap ng makakainan.

Ngunit sa kalagitnaan ng 2017, pagsisimula ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay idineklara ng kanyang administrasyon na hindi na required mag-train ang mga Filipino seafarer upang makasampa sa barko.

Dahil dito, bumaba ang bilang ng mga trainee ng Newpoint, nawalan ng mga kostumer ang bagong kantina at napilitan ang grupo ng therapists na isara ito.

Ang sumunod na itinayo ng grupo ay ang bakery. Nagsimula ito nang bakantehin ng umuupang canteen sa loob ng compound ang malawak nitong puwesto. Muli, nakiusap ang grupo sa pamunuan ng KKFI na kung maaari ay upahan ng grupo ang espasyo nang mababang upa lamang.

Tulad ng dati, pinagbigyan sila ng KKFI. Ginawang bakery ang pwesto at pandesal ang unang produkto ng grupo. Inisip kasi na sa populasyon pa lamang ng mga dormitoryo ng KKFI ay kikita na ito. Ngunit hindi pala lalapit ang kostumer nang kusa kundi dapat silang engganyuhin upang bumili ng iyong produkto.

Malaking leksyon sa grupo na kailangang tutukan ang marketing upang matiyak ang magandang resulta ng negosyo.

Ang isa pang suliranin ay ang kakulangan ng bakery equipment. Dahil dito ay lumapit ang grupo sa Department of Science and Technology (DOST), na nangakong tutulungan ito. Ngayon ay hinihintay na ng grupo ang mga nasabing equipment, kabilang ang karagdagang oven, roller, mixer, slicer, warmer at mga tray para sa iba’t ibang uri ng tinapay.

Sa kabila ng maraming pagsubok na dinaanan ng grupo, hindi pa handang sumuko si Virgilio “Bobot” Gador, isang beteranong massage therapist ng KKFI na pioneer member ng grupo.

“Talagang gusto kong matutunan ang entrepreneurship kaya hindi ko titigilan ang ginagawa ko,” aniya. “Maraming karanasan ang napagdaanan ko at ang iba ay kabiguan; pero parating marami akong natututunan.”

Aniya, maaaring mabagal ang proseso ngunit ang mahalaga ay nakakakita sila ng liwanag.

“Tiyaga lang talaga,” ani Bobot.

 

INIIPONG BIYAYA

ni Fort Nicolas

Kuwento ng BPI, Espana

 

“Hanga ako sa mga estudyante ng massage therapy ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI),” ayon kay Ms Melani Villanueva. “Talagang dumadalo sila sa mga klase upang matuto.

Si Ms Villanueva ay ang manager of Retiro-Mayon branch, isa sa 16 na kasaping sangay ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na may katawagang “Espana Group.”

Abot ang pagpuri niya kay Ms Lorelei Joy Amarillo, manager ng UST Branch ng BPI dahil umano sa husay niyang pumili benepisyaryo ng Espana Group sa taong 2017.

Nakapanayam ng Kapatiran Newsletter si Ms Villanueva dahil nagkataon na dumalaw ito sa KKFI Compound isang araw upang mag-obserba sa isang klase ng massage therapy, kung saan ang nagtuturo ay si Ate Lilia Bejer.

Ipinaliwanag niya na taun-taon ay pumipili ang Espana Group ng isang institusyon upang tulungan bilang “corporate social responsibility” ng Ayala Group of Companies, kung saan kabilang ang BPI.

Ipinagsasama-sama umano ng mga empleyado ng 16 na sangay ng BPI sa Espana Area ang kanilang mga personal na kontribusyon at ang kabuuan nito ay itinutulong sa napiling institusyon ng kawang-gawa. Isang pagpapala mula sa Panginoon na mapili ang KKFI bilang benepisyaryo nila.

“Natutuwa ako na mga estudyante ng massage therapy ang tinutulungan namin dahil malaki ang maitutulong nga mga graduate ng training sa sitwasyong pangkalusugan ng mga komunidad nila,” banggit ni Ms Villanueva. “If there’s no doctor around, they are there who are willing and able to help.”

Ikalawang batch na ng trainees ang naobserbahan niya. Sa unang training, na ginanap sa pagitan ng Abril 1 at Hunyo 3, 2017, ay nakapagpatapos ng 25 bagong massage therapist. Naging possible ang ikalawang pagsasanay nang mapili ng BPI bilang natatanging proyekto ang ginawa ng Espana Area.

Bilang awardee ng Bayanihan Para sa Inang Bayan (BPI Bayan), binigyan ng P50,000 ang Espana Area bilang premyo. Ang halaga ay bukas-palad ng inihandog ng Espana Area upang magkaroon ng ikalawang training, na 20 trainees naman ang nabibiyayaan.

Ang mga kasapi ng ikalawang batch ay makakaasang may dulot na benepisyo ang kanilang ginagawang pagsisikap. Tingnan na lamang nila ang mga pagbabago sa buhay ni Allan Eugenio, 21, na kabilang sa unang batch.

“Napapakinabangan ko na po ang natutunan ko,” ani Allan. Nagho-home service na po ako at kumikita ng mula sa P300 hanggang P400 isang araw.”

Siyempre pa, masayang-masaya ang mga magulang ni Allan. Ang pangaral nila sa anak ay pagbutihin ang trabaho upang umasenso at di masayang ang di-inaasahang oportunidad.

Ito nga mismo ang intensyon ni Allan sapagkat matayog ang pangarap niya. Dahil sa kumikita na, plano niyang magtapos ng Computer Engineering course.

Si Allan ang ehemplo ng mga taong nais tulungan ng BPI. Sana nga ay marami pang matulungan ang proyekto nitong BPI Bayan.

Nang itanong ng Kapatiran kay Ms Villanueva kung maaaring manalo muli, sa ibang taon naman, ang KKFI, ganito ang sagot niya: “So far, walang repeat winner, pero dahil maraming programa ang KKFI na maraming magagawa, hindi ko rin masasabing hindi magkakaroon ng repeat winner.”