INALAY NIYA ANG KANYANG TALENTO SA LAHAT

Ni Glenda B. Gutierrez

 

Si Ate Lilia Omes Bejer ay dating lider ng mga maralita at health educator ng Zone One Tondo Organization (ZOTO) mula taong 1974 hanggang1986. Sila ng kanyang unang asawa ay mga punong lider ng ZOTO noong panahon ng Batas Militar ng rehimeng Marcos.

Bilang isang health educator, siya ay nagtaguyod ng Community Health Program. Siya ay nag-aral sa Sta. Rita College upang maging nursing aide at naging bihasa sa tuberculosis control.

“Naaalala ko ang takot na naramdaman ko noong 1978. Di ko maipaliwanang ang kabog ng aking puso,” kuwento ni Ate Lilia.

Nawala umano ang kanyang asawa. Sinundo daw ng dalawang lalake.

“Nagtanong ako sa aming mga kasamahan pero di nila alam kung nasaan,” aniya. “Kinagabihan sinundo kami ng aking mga biyenan. Alam na pala nila ang nagyari pero di sinabi sa akin. Sa morgue na kami dinala”

Di malaman ni Ate Lilia kung ano ang gagawin niya. Siya ay 25 taong gulang lamang noon. Ang panganay niya na si Celia ay isa’t kalahating taon at ang bunsong si Abel ay sanggol pa lamang. Binigyan siya ng trabaho sa St. James Academy ng mga madre.

Nang mapalitan ni Corazon Cojuangco Aquino si Ferdinand Edralin Marcos bilang pangulo ng Pilipinas at bumalik umano ang tinatawag nilang “demokrasya,” lumipat ng trabaho si Ate Lilia sa Urban Missionaries of the Philippines bilang isang “health coordinator.” Siya ang namahala sa Urban Missionary Health Program. Upang lalong mahusay na magampanan ang kanyang tungkulin, nag-aral siya ng “Hilot Wellness” at “Shiatsu,” mga uri ng alternatibong panggagamot.

Sabay nito ay ang pagiging Program Director niya ng ZOTO. Kalaunan, siya ang naging kabahagi ng Rural Health Program at nag-aral ng kursong “Massage Therapy.”

Noong 1991, nais pa niyang mapalawak ang kanyang karanasan at kaalaman kaya siya ay lumipat sa Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI), na ka-partner ng ZOTO, bilang “Socio-Economic Officer.” Siya ay namahala sa pakikipag-ugnayan sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralitang Lungsod (KPML) at sa  Samahan ng Maralitang Nagtitinda sa Fabella (SAMANA-FA).

Dahil sa pakikipag-ugnayan niya sa Augustinian Missionaries, siya ay natuto ng “acupressure” at “pranic healing.”  Tumulong siya sa pagpapatatag ng alternative healing.

Noong 1999, siya ay kumuha ng licensure exam sa massage therapy ng Department of Health (DOH) at siya ay nagtamo ng ika-siyam na pinakamataas na score.

Sadyang mayaman sa kaalaman at karanasan sa tradisyonal healing si Ate Lilia. Siya ay bihasa sa Hilot Wellness, isa ito sa kanyang itinuturo sa kursong Naturopathy sa KKFI. Ayaw man niya at hindi sinasadya, nasundan niya ang yapak ng kanyang ina, na isang manghihilot ngunit walang pormal na pagsasanay at sa karanasan lamang natuto.

Sa kabilang banda, si Ate Lilia ay naniniwala sa siyentipikong pagsasanay. Kaya patuloy siyang nag-aaral at dumadalo sa mga training. Pati nga alternative medicine ay inaral niya.

Sa edad na 63, siya ay nag-aaral pa rin  ng Training Methodology 1 (TM1) sa Manila International Skills Academy (MISA) na accredited ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Dahil magaling, marami ang naghahanap ng serbisyo ni Ate Lilia bilang isang therapist. Bukod dito ay mahusay siyang guro. Marami siyang naturuan ng massage therapy na ngayon ay trainor na rin.

Ako ay isa sa mga nakaranas ng massage therapy at talaga namang nagiginhawaaan ako at gumagaling ang karamdaman.

Tunay nga na siya ay may kamay na nakakapagpagaling at kagalingan sa pagtuturo na nagpapaangat ng buhay ng kanyang estudiyante.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s