Ang Silid-Aralan sa Likod ng Simbahan

Ni Joanna Marie Z. Merced

 

Paano kung ang iyong silid-aralan ay hindi ang isang tipikal na larawan ng isang classroom at matatagpuan lamang sa likod ng simbahan, papasok ka ba?

Alam ng lahat na ang eskwelahan ay ang pundasyon ng karunungan ng bawat mag-aaral. Nagsisilbi itong pangalawang tahanan kung saan itinuturo ang pagsusulat at pagbabasa.

Ito ang kwento ng mga mag-aaral ng Child Development Center ng Manila North Cemetery.

Ako si Joanna, naglilingkod sa Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI).  Ako ang itinalagang guro upang magturo sa mga batang nag-aaral sa may likod ng simbahan—isang malaking simbahan na may nakakubli palang eskwelahan.

Sa apat na sulok ng silid-aralan, may mga kwento ang bawat mag-aaral. Bilang guro, nakita ng aking mga mata ang buhay na mayroon ang mga batang mag-aaral. Mahihirap at mayroong simpleng pamumuhay. Sila ang mga batang may edad na apat hanggang anim na taong gulang. Labing-limang mag-aaral na naninirahan sa libingan ng mga patay.

Marami sa kanila ay may musmos pang kaisipan at sa sementeryo na sila namulat. Tama ang nabasa n’yo—sila ang mga batang nakatira sa loob ng sementeryo na kung saan ang mga museleo ng mga patay ang nagsilbing kanilang tahanan at bubong na kanilang masisilungan.

Doon, kasama nila ang kanilang mga nanay at tatay, mga kapatid, mga lolo at mga lola. Marami pa ang mga  kwentong nakakubli na hindi pa natin nalalaman.

Bilang guro sa aking mga mag-aaral, nasaksihan ko kung ano ba ang kakulangan sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.

Bago ako pumasok ng eskwelahan, ako ang namamalengke ng mga pagkaing lulutuin para sa kanilang tanghalian, para mapunan ang isang beses sa isang araw nilang kailangan. Mapunan ang tiyang hindi nakakain ng agahan, mabusog ang sikmurang nalipasan na ng gutom dahil sa umagang nagdaan.

Nakakalungkot isipin pero iyon ang katotohanang hinarap  ko sa loob ng walong buwang pagtuturo ko sa mga batang mag-aaral sa likod ng simbahan. Kaya naman ito ang dahilan kung bakit ang KKFI ay patuloy na tumutulong sa mga batang naninirahan sa loob ng sementeryo.

Ito ay patuloy na naghahangad ng pagbabago ng pamumuhay sa bawat mag-aaral. Ito ang nagsusumikap makaipon ng pondo at naghahanap ng mga donasyon upang patuloy na makapagbigay sa mga pamilyang nangangailangan.

Saksi ako sa pagsusumikap ng maraming mag-aaral upang makapasok sa eskwelahan kahit malayo ang kanilang tahanan. Kung walang pamasahe ay nilalakad nila ang mahabang daan patungo sa simbahan huwag lang maipag-iwanan sa mga leksyon.

Tuwang-tuwa ako kapag ang aking mga mag-aaral sa likod ng simbahan ay pumapasok araw-araw. Kahit sa maliit na apat na sulok ng aming silid-aralan, maririnig mo ang kanilang mga kwento sa maghapong nagdaan, ang kanilang malalakas na tawanan, mga nag-uunahang kamay na itinataas para makasagot sa aming talakayan.

Pilit naming iniraraos ang pag-aaral sa araw-araw upang mayroon silang matutunan. Wala sa laki ng gusali ng eskwelahan para ikaw ay may matutunan. Ang mahalaga ay ang pagsisipag at pagsusumikap ng bawat batang mag-aaral para, sa darating na panahon kapag siya ay tagumpay na, siya naman ang magkukwento kung paano niya napagtagumpayan ang mga pagsubok ng nakaraan.

Hindi mahalaga ang kapayakan ng maliit na silid-aralan sa likod ng simbahan. Sa mga handang magsumikap, ito ay simula ng magandang kinabukasan.

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s