Kapayapaang May Kagalakan, Posible Ba?

Ni Nancy Caluya-Nicolas

Executive Director

 

May isang popular na awiting parati kong naririnig na kinakanta ng mga grupong relihiyoso: “Let there be peace on earth….”

Nakakaindak ang saliw ng awiting ito. At kung iyong nanamnamin ang lyrics ay titindig ang iyong balahibo. Bakit? Marahil dahil ang tinutukoy nito ay ang pangarap ng ating puso at kaluluwa—ang kapayapaan.

“Sumainyo ang kapayapaan,” ang bati ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa mga apostol Niya nang siya ay muling nagpakita sa kanila matapos Siyang nabayubay sa krus. Kapa-yapaan ang isang bagay na pinakakailangan ng mga apostol nang oras na iyo. Nag-aalala sila para sa kanilang kaligtasan. Walang katiyakan ang kanilang hinaharap. Higit sa lahat, halos masira ang kanilang katinuan dahil sa lungkot na nararanasan nang mawala ang kanilang pinakamamahal.

Kailangang-kailangan nila ng kapayapaan ng isipan at kalooban. Alam ito ng Panginoon kaya’t ang pagba-ting “Sumainyo ang kapayapaan” ang isinalubong Niya sa kanyang mga pinakamamahal na apostol.

Ano nga ba ang “kapayapaan”? Hindi magkatulad o “synonymous” ang kapayapaan at katahimikan. Maaaring maging tahimik nang walang kapanatagan. Kung minsan ay napaparalisa na lamang sa isang tabi ang isang tao o hayop mang natatakot. Pinipili nilang manahimik maka-survive lamang.

Ang tunay na kapayapaan ay katahimikang may kapanatagan ang kalooban at kagalakan sa puso. Ito ang pinakananais ng lahat.

Ngunit mailap ng kapayapaan. Sa buong kasaysayan ng daigdig, uhaw na uhaw ang mga tao at mga gobyerno dito. Kaya’t kahit mababaw lamang ay ipinagmamalaki na ng mga namamayaning uri na naabot nila ang “kapayapaan” o “peace” o “pax” (sa salitang Latin).

Mula noong 27 taon bago isilang si Jesus (27 B.C.) hanggang 180 taon matapos Siyang mamatay ay ipinagmalaki ng Roma na napanatili nila umano ang kapayapaan sa buong emperyo. “Pax Romana” ang tawag nila dito.

Diumano’y nakaranas naman ng “Pax Mongolica” noong ika-13 at ika-14 siglo sa mga bansang nasakop ni Genghis Khan at Mongol army niya. “Pax Britannica” naman ang itinawag kapayapaang naranasan mula 1815 hanggang 1914 sa Europa.

Nang magsimulang ang ika-20 siglo, “Pax Americana” naman umano ang naranasan ng malaking parte ng mundo, partikular ang Western Hemisphere, salamat sa “pagbabantay” ng Estados Unidos.

Sa lahat ng mga nabanggit na “pax” o kapayapaan, may mga kaakibat na pananakot o pagbabanta ng pwersa. Hindi ba maaaring walang ganito? Hindi ba posible maabot ang kapayapaan na may kagalakan at kapanatagan ang mga taon?

Bakit hindi natin subukan ang Pax Cristiana?

Hindi mababaw o “superficial” ang kapayapaang Kristiyano. Ang kapanatagang dulot ni Kristo ay sagad sa buto, ‘ika nga. Tumitimo sa puso’t isipan. Damay ang kaluluwa.

Ito ang kapayapaang “may kaga-lakan” na tinutukoy ng tema ng ika-68 anibersaryo ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI). Hindi ito pulitikal tulad ng Pax Romana at Pax Amerikana.

“Let there be peace on earth and let it begin with me,” ayon sa awitin. Hindi kailangang magkaroon ng alyansa ng mga grupo o maraming indibidwal upang maranasan ang Pax Cristiana. Madali lamang gawin upang makuha ito—tanggapin ang Panginoong Hesus bilang Tagapagligtas dahil inalay Niya ang kanyang banal na dugo upang tayo, bagama’t mga makasalanan, ay maligtas at makaranas ng buhay na walang hanggan.

Ngunit mahirap din sapagka’t hindi kailanman madali ang maging tapat sa sarili na magpakababa at tangga-ping hindi tayo maliligtas kailanman ng sariling pagsusumikap, gaano man ito kabuti sa ating pag-aakala. Mahirap manatiling tapat sa Diyos at matulungin sa kapwa.

Ngunit ang gantimpala naman ng mga mananatiling tapat ay ang walang katapusang kapayapaang may kagalakan. Ito ang uri ng kapayapaan na matatagpuan sa langit.

Ngunit hindi ibig sabihin nito ay hihinto na tayo sa pagsusumikap na makamit ang kapayapaang may kagalakan sa daigdig na ito pa lamang. Bilang mga Kristiyano, tungkulin natin ang iparamdam sa ating mga kapwa, lalo na ang mahihirap, ang uri ng kapayapaang ito upang mapatunayan lamang na ang Diyos ay sumasaatin sa Lupa at maging sa Langit.

Ito ang papel ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc.—ang ilapit ang Diyos sa mga mahihirap at nangangailangan at gayundin ay ilapit ang mga mahihirap at nangangailangan sa Diyos.

Sa tulong ng Panginoon ay tapat nawa nating maisakatuparan ang ating tungkuling iparanas sa tao ang kapayapaang may buong kagalakan na nagmumula sa Diyos.

 

Advertisements