Ang Sarap ng Magturo sa mga Bata

Ni Ruffame Todoc

 

Marami ang nagsasabi na kursong edukasyon ang kunin ko sa kolehiyo dahil bagay umano sa akin ang magturo.

“Ayoko!” ang parati kong tugon. “Mahirap ‘yun” Alam kong hindi biro ang magturo lalo na sa nursery. Ngunit tila ba tinutulak ako ng sarili kong tadhana palapit sa pagtuturo.

Dumating ang buwan ng Abril, panahon ng “LikhAral,” ang bersyon ng “vacation church school” ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI). Gaganap na naman ako bilang isa sa mga “main teacher” ng “nursery class.”

Naobliga akong magturo sa mga batang may edad mula apat hanggang anim na taong gulang. Sobrang hirap bantayan at turuan ang mga may edad na ganito. Mahaba-habang pasensiya ang kailangan.

Totoong sobrang hirap pero sobrang sarap sa pakiramdam din pala! Ayos lang mapuyat sa kagagawa ng mga leksyon at iba pang gagamitin sa pagtuturo mapasaya lang ang mga tinuturuan.

Nakakalibang palang magturo kaya’t hindi ko namalayang napalapit na ako nang husto sa mga bata. Kahit mahirap gumising sa umaga dahil sa pagod, sakit ng ulo at kulang pa sa tulog, ngunit kapag naisip ko ang mga bata na naghihintay sa akin ay nakakaramdam ako ng kakaibang lakas at motibasyon upang buma-ngon.

Siguro nga ay nagiging inspirasyon sa akin ang mga bata. Maisip ko lang ang mga ngiting isinasalubong nila sa akin at ang pag-uunahan nilang mahawakan ang aking mga kamay ay sapat na upang tiisin ko ang malamig na buhos ng tubig sa umaga sa paliligo upang makarating agad sa lugar kung nasaan sila.

Akala ko noong una ay mahihirapan kaming mga magtuturo dahil dalawa lamang ang tutoong teacher na kasama namin. Subalit madali naming natutunang tumayo sa sari-ling paa at gumawa ng paraan upang makuha ang loob ng mga bata.

Napagtanto ko rin na kaya ko rin palang maging guro, na kaya ko ring magturo. Higit sa lahat, natuklasan kong masaya ako kasama ng mga bata.

Marami nang nagtulak sa akin na maging guro, ngunit dedma lamang ako. Pero may isang tao ang nagpaantig sa aking kalooban, si Eddrose, 6, na isa sa mga estudyante ko sa LikhAral. Heto ang aming pag-uusap noong “graduation day” ng LikhAral:

Eddrose: “Ate Fame, bukas ba ay magtuturo pa rin kayo?”

Ako: “Hindi na. Sa susunod na taon ulit. Kaya dapat ay lagi kang good girl, ha?”

Eddrose: “Sana ikaw na lang ang teacher ko sa school.”

Nabigla ako sa sinabi niya. Nahalata kong malungkot siya kaya niyakap ko siya. Pagkatapos ng seremonya ay isa-isang lumapit sa akin ang iba kong estudyante. Nagtatanong sila kung kailan ako babalik. Gusto ko sanang sabihin na bukas na bukas rin ay babalik ako upang turuan sila. Pero alam kong hindi tutoo ‘yun kaya’t sinabi ko sa kanila ang tutoo.

Dahil sa LikhAral, naramdaman ko ang sarap magturo sa mga bata. Hindi ako mahihiyang isang araw ay sasabihin ko sa aking mga kaibigan na: “Binabawi ko na ang sinabi ko noon. Gusto ko palang magturo.”

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s