ni Allain Canlas
Ang pagiging isang “leader” ay isa sa mga bagay na aming natutunan kung papaano gampanan bilang isang kabataan. Ating alamin kung paano kami nahubog sa Youth Leadership Educate and Advocate for Development (YLEAD) bilang isang Kristiyano.
Ito ay inumpisahan ng aming dating Program Director ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI) na si Sir Rex Dayao at ipinagpatuloy hanggang sa ngayon nila Sir Vince Eliver at Ma’am Love Gagno.
Kinabibilangan nito ang mga ALS student na katulad ko upang mabago. Kung ako ang tatanungin kung papaano ako nabago, ito ay dahil na rin sa aming mga “facilitators.”
Una ay si Sir Rex na siyang nagpamulat sa isang tulad ko na hindi imposibleng umangat at magtagumpay sa buhay. Ito ay dahil siya mismo ay dati lamang isang kabataan mula sa hirap at ngayo’y naabot ang mga pangarap.
Ikalawa ay si Ma’am Love na siyang nagturo hindi lamang sa akin kung hindi sa mga katulad ko na matutong magmahal at umibig sa kahit na sino mang kapwa mo tao, Kristiyano man o hindi.
Ikatlo ay si Sir Vince na siyang tumayo bilang isang ama na nagmamahal sa kaniyang mga anak.
Isa sa mga estudyante na kanilang naging iskolar ay si Margoh na nag-aaral bilang isang pulis. Nagangarap ako na maging tulad din niya balang araw.
Ang mga aktibidad na aming ginagawa sa Pulilan, Bulacan ay napakarami katulad ng “Spider Web,” paglusong sa putikan, paglusong sa fish pond at napakarami pang mga nakatutuwang mga gawain.
Kami ng mga kapwa ko mga ALS student ay unang nag-seminar upang mahubog maging leader. Dito ko natutunan na hindi pala imposibleng magtagumpay sa kahit na ano mang mga pagsubok basta’t sama-sama ang bawat isa.
Ang Gilead ay isang lugar na napakaganda dahil ang paligid ay payapa at ang mga tao ay mababait at marunong makisama. Tinuro nila sa amin ang disiplina at kung papaano mo makikilala ang iyong sarili bilang isang tao.
Ang mga lugar na aming kinabibilangan ay may kani-kaniyang mga proyekto. Ang mga halimbawa nito ay tulad sa Tondo, ginawa nila ang T.A.T.A.Y. project na layong maipakita kung sino ba talaga ang mga kabataan ng Tondo.
Sa Paredes Street ay inilahok namin ang “self awareness” roon upang kanilang malaman kung ano ba talaga ang mga karapatan ng isang indibidwal lalo na ng isang kabataan. Kapag ito’y naumpisahan na ay magbibigay ng pondo ang KKFI upang ito ay maisakatuparan.
Inaamin ko na hindi ito ganoon kadali sapagkat sabi nga ni Sir LJ ang pagiging isang “leader” ay palaging may halong pagsasakripisyo.
Una sa aming mga adhikain kung bakit naming hinihimok ang mga kabataan na sumali sa aming mga isinasagawang mga proyekto ay ang mailapit sila sa Diyos. Oo, masasabi ko na iyon ay hindi ganoon kadaling gawin, lalo na sa ngayon na puro mga “gadget” na ang hawak-hawak ng mga kabataan at hindi libro o bibliya.
Sa paggawa namin ng aming mga kani-kaniyang mga proyekto ay natuklasan ko rin na sa ganitong mga gawain lumalabas ang sari-saring mga emosyon at kung saan ay hindi na nagkakaunawaan ang bawat isa ay nagkakaroon ng ng mga alitan. Pero sa kabilang banda ay amin itong naisasaayos at naipagkakasundo ang himutok ng magkabilang panig na may hidwaan sa bawat isa.
Sa bandang huli ay mas pinapatatag kami ng mga ganitong sitwasyon kung papaano namin paiiralin ang pagiging leader ng bawat isa. Nang dahil rin dito sa nasabing proyekto na aming isinasagawa matapos ang YLEAD ay natutuhan ko kung papaano magpakumbaba at humingi ng tulong sa iba. Higit sa lahat ay natutunan ko kung papaano ko pakalmahin ang sarili ko sa mga hindi ko inaasahang mga pangyayari.
Kaya sa ngayon, ang masasabi ko lamang ay sana maipagpatuloy pa ang YLEAD hanggang sa mga susunod pang mga henerasyon naming mga kabataan upang mas marami pang mahubog at mabago na mga kabataang tulad ko.