‘Maaaring mangarap sa kabila ng mga pagsubok’ – Sarah Mae, 15, ALS passer

 

(Bukod kay G. Edwin Camerino ay may isa pang kabilang sa 23 matagumpay na mag-aaral ng Alternative Learning System (ALS) ang nagsalita sa pagdiriwang ng ika-66 na anibersaryo ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI) noong nakaraang ika-22 ng Hulyo. Siya si Sarah Mae C. Cleto, 15 taong gulang. Isa siya sa mga nakapasa sa Accreditation and Equivalency Examination ng Department of Education (DepEd). Ito ang kanyang mensahe.)

 

Bago po ang lahat ay nais kong pasalamatan ang lahat ng naging instrumento at nagdala sa akin sa aking kinatatayuan ngayon. Una po ay ang ating Panginoon, ang Dios ng Sanlibutan at ating Tagapagligtas.

Pangalawa po ay ang lahat ng mga bumubuo ng Kapatiran-Kaunlaran Foundation Inc. (KKFI), lalo na ang Board of Trustees nito.

Ako po si Sarah Mae Cayabyab Cleto, 15, isang “drop-out” at nakatira sa Manila North Cemetery (MNC). Dahil naninirahan ako sa sementeryo, tinutukso ako ng mga kaklase ko na “bampira.” Dumanas ako ng matitinding pagsubok, mula sa aking pamilya hanggang sa aking pag-aaral.

sarah family
Si Sarah at ang kanyang ina. (Photo ni Ernie Gagno/KKFI)

Tahimik at matiwasay ang buhay namin noong musmos pa lamang ako. Parehong kumikita ang aking mga magulang at hindi napababayaan ang mga pangangailangan naming magkakapatid.  Ngunit dumating sa punto na nalulong sa droga ang aking ama at naubos ang aming kabuhayan. Ito ang hudyat ng sunod-sunod na pagsubok sa aking pamilya.

Ngayon ay nagtitinda na lamang kami ng bulaklak sa “gate” ng Manila North Cemetery. Inutang namin sa Bombay ang puhunan ng maliit naming negosyong upang maitawid ang pamilya sa araw-araw na pangangailangan.

Sa kabila ng kawalan, pinilit kong pumasok sa paaralan. Pumapasok ako nang walang pagkain at baon sa buong araw. Ganito ang aking buhay hanggang nakaabot ako sa second year high school.

Lahat na ay ginawa ko para malagpasan ang mga hamon ng buhay, ngunit inaamin kong halos hindi ko ito nakayanan. Dala ng gutom na naranasan sa araw-araw ay nagkasakit ako at hindi ako nakapasok sa eskwela ng isang buwan.

Nang bumalik ako sa paaralan upang ipagpatuloy ang aking pag-aaral, natikman ko ang isang di-inaasahang pang-iiinsulto mula sa aking guro. “Lumayas ka sa aking silid-aralan ngayon din!” pasigaw niyang sabi sa akin sa harap ng aking mga kamag-aral.

Dala ng kahihiyan ay hindi na ako pumasok magmula noon. Nakaramdam ako ng matinding sakit. Sinisi ko ang aking sarili sa nangyari. Ngunit naisip ko, “Hindi pa ito ang katapusan.”

Isang araw ay nasabi sa akin ng isang kaibigan na merong ALS na ginaganap ang pag-aaral sa mismong lugar namin, ang MNC. Hindi ako nag-aksaya ng panahon at agad akong nag-enrol. Nagsumikap ako nang husto sa pag-aaral, nagpapasalamat sa isa pang pagkakataon.

Naranasan naming mag-aral sa lilim ng mga puno o mga mausoleum. Sa kabila nito, masaya kami at nagtutulungan. Sama-sama kaming nagluluto ng pananghalian at sabay-sabay kumakain.

Ang ALS ng KKFI ay hindi karaniwang paaralan. Dito ay naranasan kong mapuri, mapahalagahan at matrato bilang ako. Dito, naranasan kong maging bata muli—makahiling ng nais na meryenda at madala sa doktor kung ako’y may-sakit. Ito ang mga bagay na nagtulak sa akin upang pagbutihan pang lalo ang aking pag-aaral.

Nang lumaon ay lubos kong nakilala ang KKFI. Mababait na mga kawani nito. Ang mga guro nito ang naging sandigan ko upang malampasan ang mga suliranin ukol sa pamilya.  Dito ko rin nadiskubre ang aking mga kakayanan. Kaya’t ngayon ay naniniwala akong ako’y magiging mahusay na guro. Ito ang pangarap ko maging at edukasyon ay nais kong pag-aralan sakaling pagpapalaing makatuntong sa kolehiyo.

Marami pang mga espesyal na aktibidad ang isinasagawa ng ALS program ng KKFI at ang mga ito ay naglalayong pausbungin ang mga pangarap naming “learners.” Dahil dito, 23 kaming nakapasa sa Accreditation and Equivalency Examination na ibinigay ng DepEd noong Abril 17, 2016.

Dahil dito, narito kaming 23 mga kabataan, gayundin ang aming mga magulang, na nangangarap ng matiwasay na kinabukasan.  Kaming 23 ay inyong natulungan upang maigpawan ang mga hirap na aming pinagdadaanan at humarap sa bagong yugto ng aming buhay, na noon ay madilim at walang katiyakan.

Sa kasalukuyan ay alam namin na may mga pinto ng tagumpay ang bubukas para sa amin. Kung papalarin man kami o anumang buhay ang tatahakin namin ay sisikapin namin maging mabuting ama, ina, kapatid, guro o mga professional o saan man kami sa mundo. Pagsisikapan din naming maging mabuting halimbawa sa aming pamilya at mga mamamayan sa mundo na may takot sa Dios.

Sabi nga nila, “mahirap maging isang mahirap.” Ngunit kung nariyan ang KKFI, maaari kaming mangarap at maiibsan ang paghihirap ng mga kabataang tulad namin.

Sa KKFI, maraming-maraming salamat!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s